Wednesday, September 9, 2009

ANG TREE PLANTING SA CALIRAYA LAKE WATERSHED, CAVINTI LAGUNA

Ang tree planting. Lahat ng kasama dito ay super excited na! Ang usapan namin, 5:00am aalis ng school pero malapit na mag-6:00am, may kulang pang isa! Si Lea Belo! Pero dumating na din naman siya pagkatapos ng ilang minuto. Pagpasok sa coaster, paunahan sa upuan. Bahala ka ng mamili ng katabi mo. As usual, hindi pa naalis sa school, may kainan na. ingat ka pag nagbukas ka ng junk food, kapag pinaikot yan sa coaster, pagbalik sa’yo, balutan na lang! Gaya na lang ng piattos ni Miguel Laroza! Habang umaandar ang coaster, kanya-kanyang trip para di mainip. May nag-so-sound trip, kuwentuhan at halakhakan to the max, picturan, tulugan, at syempre, kasama pa din diyan ang kainan!
Patuloy na nagbiyahe ang coaster hanggang sa makarating kami ng SLEX. Dahil gutom na kami at madami pa ang hindi nag-aalmusal,nag-stop over muna kami. Pumili ng pagkain sa Mcdo. Mag-c-CR sana kami kaso ang haba ng pila. May nakasabay kasi kaming nag-stop over din. Outbound educational trip ata nila.
Hanggang sa makarating kami ng Laguna. Hindi namin akalain na hanggang ditto ay uso ang kotong! May pinasok kaming daan ngunit ang sabi ng taga-LTO, bawal daw dun ang bus. Nais nga sana naming sabihin na hindi bus yung sinasakyan namin! Coaster ang tawag dun! At classified din siya sa van, hindi bus. Ngunit dahil nagmamadali na kami, late na kasi, pinakiusapan na lang ng aming driver. Nagbigay na lang ng P300. Malaki din yun! Swerte yung humarang sa’min.
Nagpatuloy kami sa pagbyahe. May nakita pa kaming banggaan. Maya-maya’y mayroon namang patay na ililibing na ata. Ang dami talagang nangyari sa araw na ito. Naligaw pa kami. Lumagpas ang coaster namin. Mukhang sobrang malas ata namin nung araw na iyon. Late na nga, naligaw pa. Dali-dali kaming bumalik. Medyo mabagal pa ang takbo ng coaster. Nakakatakot. Baka tumirik pa. Pagkatapos ng ilang minuto, nakarating din kami sa meeting place. Ngunit, late na nga talaga kami. Naglakad kami ng konti para makarating sa lugar na pagtataniman. Masaya din naman ang paglalakad. Kahit na mainit, maganda ang tanawin.
Pagdating sa lugar ng pagtataniman, konti na lang ang maari naming itanim. Marami na ang nauna sa amin. Ngunit kahit ganun, masaya pa rin! Nag-picturan pa rin kami habang nagtatanim. Nakahanda na ang hukay na pagtataniman. Aalisin mo na lamang ang itim na plastic na nakabalot sa lupa ng halaman. Pagkatapos ay ilalagay mo na iyon sa nakahandang hukay at tatabunan ng lupa. Simple lang naman kung kaya’t mahigit sa dalawa ang natanim ng karamihan sa amin. Mabilis natapos ang tree planting. Nung pabalik na kami sa coaster, nahati sa dalawang grupo ang estudyante ng St. Mark. Ang unang grupo ay sumunod sa mga taga-Harribon, ang ikalawa, kay sir Botabara. Maswerte ang mga sumunod kay sir Botabara. Madaming picturan ang nangyari. Super ganda talaga ng view! Parang ayaw na nga namin umalis doon at kahit mainit, hindi namin iniinda. Kaysarap kasi talaga magpicturan!
Pagbalik sa coaster ay naroon na ang unang grupo. Lahat sila ay nakapag-ayos na, samantalang ang ikalawang grupo, haggard pa! Wala pang nakain sa amin. Napagpasyahan naming kumain sa mall, sa sunstar mall. Pagkatapos namin kumain ay gumala pa kami ng konti. Ang iba ay naglaro sa target shooting, namasyal at bumili ng kung anu-ano, at nagpalamig sa loob ng mall. Syempre, patuloy pa din ang picturan.
Pagkatapos mamasyal ay bumalik na kami sa coaster. As usual, pagod ang lahat, marami ang tulog. Ngunit sa kabila ng kapaguran, nagawa pa rin namin ang magkulitan! May bagong love team ang nabuo. Gillette-Monfred love team. Nasa likod lang kasi ni Gillette si Monfred. May isa pang pangyayaring tunay na nagpatawa sa lahat pati na ang driver! Ang scandal ni Hannah De Ocampo. Malapit na kami makarating sa school, ihing-ihi na talaga siya. At ang sabi niya, isang oras na siyang nagtitiis. Nagrerequest siya na huminto muna upang maghanap ng CR. Ngunit ayaw namin pumayag. Talagang nagpapapadyak na siya ng paa, pagalaw-galaw sa kanyang upuan at kinikiliti pa siya ni Mae Rivera na kanyang katabi. Kinukuhaan pa siya ng picture at video ng ibang kasama. Kaawa-awang bata. Pinapatawa pa sya ng lahat kaya talagang mas nahihirapan siya magpigil ng ihi. Nung malapit na kami sa justinville, nagdilang-anghel si sir Botabara. Nag-counter flow pa! Ngunit dahil hindi na talaga kayang magpigil ni Hannah, pinayagan na siya ni sir Botabara bumaba at mag-CR. Ang gusto niya ay mag-CR sa shell, ngunit ang sabi ni sir ay sa justinville na lang. Sa kanyang kalituhan, mukha pa siyang nagsayaw sa daan. Habang si Hannah ay nasa CR, nagpaplano naman ang mga nasa loob ng coaster na lagyan ng konting tubig ang upuan niya. Pagbalik ni Hannah ay niloloko siya ng lahat na basa ang kanyang upuan. Tawa lang ng tawa ang lahat.
Matapos ang insidenteng iyon ay nakabalik na kami sa school at umuwi na sa kanya-kanyang bahay. Pagod man kami, ngunit hindi matutumbasan ang adventure na na-experience namin, mga kalokohan na naganap, at sa kabuuan ay ang isang di malilimutang karanasan at enjoyment!

by: Jayme Ilao

No comments: